Patay ang isang ama at kaniyang anak, habang sugatan ang kaniyang mag-ina matapos na sumalpok ang kanilang motorsiklo sa isang nag-overtake umanong pickup truck sa Bayawan, Negros, Oriental.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Guisocon sa Barangay Nangka, habang pauwi na ang apat na magkakaanak sakay ng isang motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon, papuntang city proper ang pickup na nag-overtake umano sa isa pang sasakyan kaya nakasalubong nito at nakabanggaan ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.
Tumilapon ang magkakaanak habang pumailalim ang motorsiklo sa pickup.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang mag-ama, at ginagamot naman ang mag-inang sakay din sa motorsiklo.
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng pickup na hindi pa nagbibigay ng kaniyang panig.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
