Isang bagong silang na sanggol na lalaki na nakalagay sa ecobag ang natagpuang iniwan sa bubungan ng isang bahay sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nadiskubre ang sanggol matapos na may madinig na iyak ng bata sa bubungan ng bahay sa Barangay Canitoan noong hatinggabi ng Huwebes.
BASAHIN: Inabandonang sanggol, ngumiti sa mag-asawang nakakita sa kaniya sa loob ng shopping bag
Ayon kay Barangay Councilman Roel Taboclaon, tagapangulo ng Barangay Peace and Order Committee, nakabalot ang sanggol sa eco bag at nakakabit pa ang pusod.
“[Nandoon] siya sa ibabaw ng bubong ng isang bahay pero hindi namin siya nakuha sa harap kaya doon kami dumaan sa gilid. Inakyat naming barangay police,” pahayag niya
Dinala ang sanggol sa ospital para masuri ang kalusugan nito.
“So far, inalagaan naman siya at nakausap na rin ni Kapitan at naibigay na ang mga kailangan ng baby. Stable naman po ang baby,” ayon kay Calaanan Health Center Medical Officer Dr. Erica Joyce Alfonso.
Iniimbestigahan na ng barangay council ang insidente para malaman kung sino ang ina ng sanggol, o nag-iwan sa kaniya sa bubungan.
“Nag-deploy na tayo ng mga BHW para alamin [kung sino ang ina ng bata], may datos kasi tayo na 14 ina na ang manganganak. May listahan dito sa likod, makikita naman natin… 14 sila mula January 2 hanggang matapos ang buwan, sila ay manganganak kaya pinuntahan natin,” ayon kay Catinoan Barangay Captain Lancelot Padla.
Napag-alaman din na ito na ang ikatlong pagkakataon na may bagong silang na sanggol na iniwan sa kanilang barangay.
“Ito, gawain ito ng isang tao na wala sa tamang pag-iisip kasi walang ina ang makakagawa nito kung wala siyang pinagdadaanan na problema,” dagdag niya.
Nangako ang barangay council na aalagaan nila ang sanggol. – FRJ GMA Integrated News
