Hinahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang taxi driver na umano’y nambastos sa pasahero niyang babaeng estudyanteng sa Davao City. Ang driver, nagtanong daw ng mga personal na bagay sa estudyante hanggang sa umabot sa kalaswaan.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nai-video ng estudyante ang mga pinagsasabi sa kaniya ng driver habang nasa biyahe.
Sa viral na social media post, nangyari umano ang insidente noong Enero 20, 2026 habang pauwi na ang mag-aaral mula sa eskuwelahan.
Ang driver umano ang magsimula ng pag-uusap na kinalaunan ay naging hindi kaaya-aya. Bukod sa nagbitiw umano ang driver ng mga nakasasakit na komento tungkol sa kaniyang katawan, nagtanong din ito ng mga personal na bagay, at umabot pa patungkol sa seksuwal na may kasama pang alok.
Sa kabila nito, ligtas na nakauwi ang estudyante, at nagpatulong sa security guard na kunin ang plaka ng taxi at pangalan ng driver.
Kasunod nito, inireport ang insidente sa Talomo Police Station.
Nasa kustodiya na ng City Transport and Traffic Management Office ang taxi pero hindi pa nahahanap ang inirereklamong driver, na mahaharap sa paglabag sa Safe Spaces Act in relation to Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (RA 7610).
Naglabas din ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board-Davao (LTFRB-11) ng show cause order laban sa driver na kailangan humarap sa pagdinig sa Lunes, January 26, 2026. – FRJ GMA Integrated News
