Sugatan ang isang babae matapos na mabundol ng isang ambulansiya na nag-counterflow sa Batasan-San Mateo road sa Rizal.
Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinakita ang video footage na kuha ng isang rider sa nangyaring insidente noong Lunes ng umaga.
Isang van ang nakaharang sa harapan ng biktima kaya hindi niya napansin ang paparating na ambulansiya na nag-counterflow nang tumawid siya.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at pumailalim sa motorsiklo ng rider na nag-upload ng video.
Tumigil naman ang ambulansiya na galing sa San Mateo, Rizal para tingnan ang kalagayan ng biktima.
Ayon sa uploader ng video, dinala ng ambulansiya sa ospital ang babae para magamot.
Inihayag ng mga opisyal ng Barangay Ampid sa San Mateo, Rizal na sa kanila ang ambulansiya na nakita sa video.
Wala pang pahayag ang biktima at ang mga barangay official. — FRJ GMA Integrated News
