Dalawang magkapatid na menor de edad na nagmamadali umanong pumasok sa eskuwelahan ang nasawi matapos bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang delivery truck sa Tubigon, Bohol.
Sa ulat ni Gabriel Bonjoc ng DYSS Super Radyo nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes sa Barangay Ilijan Norte. Edad 13 at 14 ang magkapatid na nagmamadali umanong pumasok dahil sa may pagsusulit at magbabayad ng kanilang tuition.
Ang 14-anyos na biktima ang nagmamaneho umano ng motorsiklo nang mangyari ang insidente, at parehong walang suot na helmet ang magkapatid.
Base umano sa imbestigasyon, nag-overtake umano ang mga biktima sa sinusundan na tricycle at bumangga sa nakasalubong na delivery truck na nasa kabilang linya ng kalsada.
Nadala pa sa ospital ang magkapatid pero idineklarang dead on arrival ang 14-anyos na biktima, habang pumanaw ang kaniyang kapatid habang ginagamot.—FRJ GMA Integrated News

