Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki matapos siyang maligo at malunod sa isang ilog sa Bacolod City. Ang biktima at ilang kamag-aral, nagkaayaan na maligo sa ilog matapos na pauwiin sila dahil nakansela ang klase.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na naligo ang Grade 6 student na biktima sa ilog kasama ang mga kaklase noong Miyerkoles.

Tumalon umano ang bata sa ilog pero nawalan siya ng malay, hanggang sa malunod.

Batay sa Department of Education Division ng Bacolod City, pinauwi nang maaga ang mga estudyante noong araw na iyon matapos magkaroon ng emergency ang kanilang class adviser, at wala ring maaaring pumalit sa guro.

Magsusumite rin sila ng report sa Regional Office ng DepEd kaugnay sa nangyaring insidente. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News