Apat na magkakaanak—tatlo ang menor de edad—ang nasawi matapos silang pagbabarilin habang pauwi sa kanilang bahay sa Barangay New Abra sa Matalam, Cotabato nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabing 20-anyos na lalaki ang pinakamatandang biktima, habang ang mga menor de edad na nasawi ay 16-anyos na babae, 12-anyos na lalaki, at 11-anyos na lalaki.

Isang 14-anyos na lalaki pa ang sugatan din sa nangyaring krimen.

 

 

Ayon sa pulisya, lumitaw sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima matapos maki-connect ng wifi sa kapitbahay nang pagbabarilin sila ng mga nakatakas na salarin. 

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa krimen at pagtugis sa mga salarin.—FRJ GMA Integrated News