Bangkay na nang matagpuan at inilibing sa bakanteng lote sa Malolos, Bulacan ang isang pulis na ilang araw nang nawawala.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabi ng pulisya na huling nakitang buhay ang biktimang Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., noong January 24.
Isang linggo ang lumipas, nakita ang bangkay ng biktima sa isang hukay na sinimento isang bakanteng lote sa Barangay Mojon kasama ang kaniyang helmet at top box ng motorsiklo.
Pinatay umano ng suspek ang biktimang pulis dahil hindi nagustuhan ng una ang biro ng huli.
Nakatakas ang suspek pero nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang kinausap niya matapos ang pamamaril.
Inihayag umano ng mga ito sa mga awtoridad na pinuntahan sila ng suspek at inamin ang ginawa sa biktima. Pulis din ang isa sa mga kinausap umano ng suspek
Bukod sa hinahanap na suspek, at walong iba pa na sangkot din umano sa krimen ang tinutugis.—FRJ GMA Integrated News
