Patay ang isang 36-anyos na babae sa Negros Oriental matapos siyang tadtarin ng saksak ng kaniyang asawa na American national.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing nangyari ang krimen noong nakaraang Huwebes sa bahay ng mag-asawa sa Barangay Pinucauan sa Vallehermoso, Negros Oriental.

Nadakip naman ang 40-anyos na suspek na dating miyembro ng US Marines.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang mag-asawa na nauwi sa pagkuha ng suspek sa patalim at pinagsasaksak ang biktima, na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Nakita ang biktima na naliligo sa sariling dugo sa kanilang kama.

Ayon sa pulisya, nagtangka rin ang suspek na saktan ang kaniyang sarili.

Inaalam mo kung ano ang pinag-ugatan ng away ng mag-asawa na nauwi sa malagim na krimen.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kasong parricide, ayon sa ulat. – FRJ GMA Integrated News