Nauwi sa krimen ang inuman ng magkaibigan matapos barilin at mapatay ang isang lalaki ang kaniyang kasama dahil umano sa cellphone sa Santa Barbara, Iloilo.
Sa ulat ni Julius Belaca-ol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, sinabing nangyari ang nahuli-cam na insidente sa Service Road sa Barangay Camambogan noong gabi ng Enero 31, 2026.
Kinilala ang biktima bilang si “Lemuel,” 40-anyos, na idineklarang dead on arrival nang dalhin sa ospital dahil sa tinamong apat na tama ng bala sa katawan.
Nadakip naman ang 38-anyos na suspek na si alias “Jet,” na ka-barangay din ng biktima.
Ayon kay Police Lt. Christopher Juarez, deputy chief ng Santa Barbara Municipal Police Station, bago ang pamamaril, nagkaroon muna ng pagtatalo ang dalawa tungkol sa cellphone, matapos manggaling sa isang bar.
“Regarding rin sa cellphone ng suspect na nasa possession ng victim. Parang hindi rin ma-establish kung ano ang regarding sa cellphone,” sabi ni Juarez.
Nakuha ng mga pulis mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril na walang kaukulang dokumento.
Limang basyo ng bala ang nakita sa crime scene.
“Ang baril ng suspect subject for verification pa. Itinurn-over na natin for ballistics and review kung may nagmamay-ari ng naturang 45-caliber pistol,” dagdag ni Juarez.
Base pa imbestigasyon ng pulisya, ang suspek ang tumawag sa biktima na pumunta sa kaniyang bahay para mag-inuman.
Kinagabihan, nagpunta pa umano sa bar ang dalawa.
Hindi nagpaunlak ng panayam ang suspek pero sinabi umano nito sa mga pulis na lasing siya nang mangyari ang krimen.
Nang makaharap ang ama ng biktima, humingi ng patawad ang suspek. Gayunman, desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso.
Mahaharap ang suspek sa kasong murder at illegal possession of firearm. – FRJ GMA Integrated News
