Arestado ang isang cellphone technician sa Jabonga, Agusan del Norte dahil sa hinala na siya ang nagpakalat ng maseselang larawan at video ng isang 17-anyos na babae na naunang nagpaayos sa kaniya ng cellphone.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing hindi na nakapalag ang 22-anyos na suspek nang arestuhin siya ng mga tauhan ng PNP Regional Anti-Cybercrime Unit-Caraga (RACU-13) sa kaniyang bahay.

Isinagawa ng mga pulis ang operasyon matapos humingi ng tulong ang mga magulang ng dalagita nang malaman nila ang paglabas ng maseselang larawan at video ng kanilang anak sa internet.

Lumitaw na sa suspek nagpatulong ang biktima nang magkaproblema ang cellphone nito.

Ayon kay RACU-13 Chief, Police Col. Lemuel Gonda, nag-apply sila ng digital warrant upang masuri ang electronic gadgets ng suspek upang malaman kung totoo ang alegasyon laban sa kaniya.

Kabilang umano sa nakuha sa suspek ang cellphone kung saan naka-save ang mga maseselang larawan at video ng biktima.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse of Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials (CSAEM) Act (RA 11930).—FRJ GMA Integrated News