Patay ang isang tricycle driver, at pasahero niyang babaeng nurse na 24-anyos matapos silang pagbabarilin ng riding in tandem sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV News ngayong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay City Heights nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, pumapasada ang 32-anyos na tricycle driver at may apat na pasahero nang mangyari ang pamamaril sa Aparente Street.
Nakakuha umano ng tiyempo ang mga salarin na paputukan ang mga biktima nang tumigil ang sasakyan dahil sa traffic light.
Ayon kay Police Station 4 Commander Police Major Ivan Charles Abastillas, unang tinamaan ang tricycle driver, at tinamaan naman sa pangalawang putok ang nurse na mula sa Sultan Kudarat.
Dinala ang dalawang biktima sa ospital pero idineklara silang dead on arrival ng doktor.
Ayon sa asawa ng driver, bago ang insidente, sinabi sa kaniya ng kaibigan ng kaniyang mister na may naghahanap sa kaniyang asawa.
Sinabi ni Abastillas na personal na galit ang tinitingnan nilang motibo sa krimen dahil may kinakaharap na kasong rape ang driver sa Sultan Kudarat.
Mayroon nang persons of interest sa kaso ang pulisya.
Samantala, sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng nasawing nurse. —FRJ GMA Integrated News.

