Timbog ang anim na Chinese dahil sa pagpapatakbo umano ng ilegal na pabrika ng sigarilyo sa Mexico, Pampanga. Mahigit 60 Pinoy na mga biktima ng human trafficking ang nasagip, at dalawang kongresista umano na hindi pa pinangalanan ang nasa likod umano nito.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing sinalakay ng mga awtoridad ang dalawang warehouse sa isang compound sa Barangay Panipuan noong Enero 28.
Kasama sa mga nasamsam ang ilang makinang gamit sa paggawa ng pagpa-pack ng mga sigarilyo, bulto-bultong mga sigarilyo, mga pekeng BIR stamp at packaging materials.
Inilahad ni Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nagpapatakbo ng ilegal na operasyon ng pagawaan ng sigarilyo ang dalawang warehouse kung saan ina-assemble, pina-pack at tinatatakan pa ng pekeng BIR stamps ang mga pakete.
Ayon kay Remulla, pinangakuan umano ang mga Pinoy ng mahigit P15,000 kada buwan na suweldo pero pinagtrabaho sila sa ilalim ng “inhumane” o mga hindi makataong kondisyon at hindi pa sinusuwelduhan.
Tumakbo ang operasyon ng isang buwan at humigit kumulang P4.5 bilyon ang halaga ng ilegal na sigarilyong nagawa, karamihan ay nasa merkado na.
Sinabi ng PNP na may pagkakagaya sa stamps na nakita rito at sa mga naunang nasamsam ng Philippine National Police - Highway Patrol Group noong Disyembre 31, 2025 at sa Balete, Batangas noong Enero 1 sa Malabon.
Kasama sa iniimbestigahan ng mga awtoridad kung konektado ang mga ito.
Binanggit ni Remulla ang kanilang intelligence information na dalawang kongresista mula sa Luzon ang mastermind sa operasyon ng ilegal na pagawaan ng mga sigarilyo.
Tumanggi muna siyang banggitin ang pangalan ng dalawa.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng mga suspek habang tumangging magbigay ng pahayag ang mga nasagip na Pilipinong manggagawa.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong human trafficking at agricultural sabotage, habang patuloy ang imbestigasyon at follow-up operasyon ng pulisya. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
