Isang batang lalaki na sakay ng tricycle ang nasawi matapos siyang magulungan ng dump truck sa Ilagan, Isabela.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing bago mangyari ang insidente, may kasunod na dalawang truck ang tricycle na bumagal ang takbo para pumasok noon sa eskuwelahan sa Barangay San Felipe.
Hanggang sa biglang pumunta sa kanan ang isang truck, habang nag-overtake sa kaliwa ang isa pang truck at doon na nasalpok ang tricycle.
Tumilapon pa ang bata bago nagulungan ng truck.
Nagtamo rin ng mga sugat ang tricycle driver at isa pang bata na nagpapagaling na sa ospital.
Nakaligtas ang ina ng bata na kasama noon ng biktima.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng nag-overtake na truck at nangakong sasagutin ang pagpapalibing sa bata.
Wala pang desisyon ang nagluluksang pamilya kung sasampahan nila ng reklamo ang truck driver.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
