Natagpuang duguan at hindi gumagalaw sa kaniyang tinutuluyan o quarters, ang isang mataas na opisyal ng Davao Region Police kaninang umaga. Nangyari ito isang oras bago dumating sa Camp Quintin Merecido sa Davao City si PNP chief Gen Jose Melencio Nartatez Jr. para sa command visit.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Lunes, sinabing lumabas sa paunang imbestigasyon na walang sumasagot sa tinutuluyan ng biktima nang katukin dakong 6:00 am kaya puwersahan nang pumasok ang mga kasamahan nito.

Dito na nakitang duguan ang biktima at may baril na malapit sa kaniya.

Dinala sa ospital ang biktima at idineklarang patay dakong 7:00 am, ilang saglit lang bago dumating si Nartatez.

May ranggong Lieutenant Colonel ang nasawi, at nakatalaga bilang Assistant Regional Director for Logistic ng Davao Region PNP.

Kaugnay nito, iniutos ni Nartatez ang malalim na imbestigasyon upang alamin ang nangyaring pagkamatay ng opisyal.

“Paimbestigahan natin mabuti. Well, he was seen dead, full of blood this morning at about 7AM, just in time when I arrived at the airport. So, ininform ako. So, what I have given a directive kanina imbestigahan kasi hindi basta-basta mangyayari ‘yun,” ayon kay Nartatez sa ulat ng GMA Regional TV News.

Bago nito, sinabing nauna nang pinapaimbestigahan ni Nartatez ang napaulat na pagkawala umano ng ilang baril sa Davao. – FRJ GMA Integrated News