Inabutan ng isang ama na duguan ang tatlo niyang anak sa loob ng kanilang bahay sa Silay City, Negros Occidental. Ang panganay na 15-anyos na babae, binawian ng buhay.
Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ng ama na si Edmund Bornales, na nabahala siya nang datnan na tahimik ang kanilang bahay pag-uwi niya.
Hanggang sa makita niya sa loob ng kuwarto ang mga anak na edad 15, siyam, at apat na duguan kaya humingi siya ng tulong upang madala ang mga ito sa ospital.
Kalaunan, pumanaw ang 15-anyos niyang anak, habang kritikal pa ang bunsong anak na lalaki.
Wala umanong kasama sa bahay ang magkakapatid dahil nasa sakahan ang ama, habang OFW naman ang ina ng mga ito.
Ayon sa mga kapitbahay, wala silang kakaibang nadinig mula sa bahay ng mga biktima at umuulan din noon.
Inihayag naman ng pulisya na dalawang malaking bato ang nakita sa crime scene na hinihinalang ginamit ng salarin sa paghampas sa mga biktima.
Hindi rin umano pinagsamantalahan ang dalawang babaeng biktima.
Mayroon nang persons of interest ang pulisya pero tumanggi na muna silang magbigay ng iba pang detalye.
Umuwi naman mula sa ibang bansa ang ina ng mga bata pero tumanggi siyang magbigay ng pahayag. – FRJ GMA Integrated News
