Pinaghahanap ngayon ang isang lalaki matapos siyang mahuli-cam na nanloloob at nagnanakaw sa isang bahay sa Antipolo, Rizal. Mahigit P20,000 halaga ng pera at gamit, natangay ng kawatan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood na mahimbing ang tulog ng isang pamilya sa kanilang bahay madaling araw ng Linggo.
Kalaunan, isang lalaki ang nanloob sa kanilang kuwarto at hindi nila ito namalayan.
Maya-maya pa, kinuha ng lalaki ang sling bag sa gilid ng kama at ipinasok sa kaniyang shorts. Kinuha niya rin ang isa pang bag, bago lumabas ng kuwarto at tumakas.
Natuklasan ng pamilya kinaumagahan na nawawala na ang ilan nilang kagamitan.
“'Yung kapatid ko po may pasok po sana ‘yun. So 6 a.m. Hindi po siya nakarinig ng kahit anong alarm kasi nga po nawawala na 'yung phone niya. Ginising din po ako nu’ng asawa ko may pasok naman siya ng 9 a.m. So ngayon ang sabi po nila sa akin, nawawala 'yung cellphone nila tsaka 'yung wallet,” sabi ni Mary Rose Martinez Bustamante, biktima.
Pagkasuri sa CCTV sa kanilang kuwarto, doon nila nakita ang lalaking nagnakaw.
“Kinabahan na ko talaga ma'am kasi napahagis pa ako ng cellphone noon. Tapos sabi ko sa kanila, may nakapasok, sabi ko may tao sa bahay,” sabi pa ni Bustamante.
Nakuha rin ng suspek ang bag ng kapatid ni Bustamante na may lamang cellphone, wallet at portable fan. Naiwan naman ng kawatan ang isang maliit na pala.
Hanggang sa marekober sa kalsada malapit sa bahay ng mga biktima ang tatlong bag na ninakaw, ayon sa pamilya. Gayunman, wala na ang mga perang laman nito, na nagkakahalaga ng mahigit P10,000.
Ibinalik naman ang wallet ng kapatid ni Bustamante ng isang nangangalakal ng basura sa kanilang lugar, ngunit wala na ang perang pambaon sana sa eskuwela, kundi mga ID na lang ang natira.
Sumatotal, nasa mahigit P20,000 na halaga ng pera at gamit ang nakuha ng kawatan.
Sinabi ng Barangay Mayamot na residente ng Barangay Mambugan ang lalaki, na dati na ring sangkot sa mga insidente ng akyat bahay, carnapping at pagnanakaw sa Antipolo City.
“Nakita sa CCTV, sumuko na lang siya para hindi na siya ma-hot list sa mga kapulisan namin. Viral na siya, kaya hinahanap na talaga siya ng kapulisan,” sabi ni Rolando Antonio, team leader ng Barangay Mayamot Task Force.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang salarin, na nahaharap sa reklamong theft. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
