Isang 41-anyos na person with disability (PWD) ang nasawi matapos siyang mabangga ng isang motorsiklo at masagasaan ng isang kotse na hindi tumigil sa bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang tumakas na driver ng kotseng pula na nakasagasa sa biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tumatawid sa kalsada sa Barangay Ventinilla ang biktima nang mabangga siya ng isang motorsiklo, na naging sanhi ng pagbagsak ng rider na nakabangga, at maging ang biktima.
Pero nang matumba ang biktima, siya namang dating ng kotse na mabilis ang takbo at nasagasaan ang biktima.
“Nang bumulagta si victim, tamang-tama naman na may mabilis na sasakyan. Mga ilang segundo, na-run over o nagulungan itong bumulagta na pedestrian,” ayon kay Sta. Barbara police chief, Lt. Col. Michael Datuin.
Dagdag ng pulisya, tinangka ng mga saksi na habulin ang sasakyan na nakasagasa sa biktima ngunit mabilis itong nakatakas.
Agad na isinugod sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Labis naman ang pighati ng ama ng biktima sa sinapit ng kaniyang anak.
“Maski sinong ama, pag nakita nila yung anak nila na ganun, maiiyak ka. Masakit talaga. Grabe, pinipigilan ko sarili ko,” ayon sa ama.
Ayon sa pulisya, pumayag ang mga kaanak ng biktima na makipag-usap sa nakabanggang rider.
“They come to an agreement na i-settle na lang nila. Pero nonetheless, ongoing yung investigation natin at yun nga, isa sa mga goal natin is to identify yung driver ng pulang kotse,” sabi ni Datuin.
Sa isinagawang CCTV backtracking ng mga pulis, nasilip kung saan dumaan ang tumakas na kotse, na umabot sa Barangay Bued sa Calasiao town.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong isasampa laban sa kaniya.—FRJ GMA Integrated News
