Patay ang isang sundalo matapos siyang barilin ng kaniyang kabaro sa loob ng kampo sa Jamindan, Capiz. Bago ang insidente, nag-inuman umano ang dalawa at inihatid lang biktima ang suspek sa barracks.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng February 9, 2026, sa loob mismo ng Camp General Macario Peralta, Jr.

Kinilala ng pulisya ang biktima na Private First-Class Wencel Jay Puntuan na mula sa Libungan, Cotabato, habang ang suspek naman ay si Private First-Class Rosarjoe Manajero na mula sa Lambunao, Iloilo.

Lumitaw sa imbestigasyon na nag-inuman ang dalawa, at pagkatapos ay inihatid ng biktima ang suspek sa barracks dahil hirap na umanong maglakad dahil sa kalasingan.

“Noong una, naglalakad ang suspek papunta sa kanyang barracks, tapos nakita ng victim na parang hindi kaya ng suspek na maglakad dahil sa kalasingan, nag-decide siya na sundan at samahan (ang suspek) para mahatid sa barracks at makapagpahinga na. Then noong nandoon na ang dalawa sa loob ng kanyang barracks, bigla na lang nakarinig (ang kanilang mga kasamahan) ng sunod-sunod na putok ng baril,” ayon kay Police Captain Jaypee Silvestre, hepe ng Jamindan Municipal Police Station.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo mula sa isang 5.56 mm kalibre ng baril.

Kaagad namang inaresto ng ibang kasamahan ang suspek.

“Hindi naman raw narinig during sa kanilang inuman na may pagtatalo or discussion. Wala rin silang alam kung mayroon bang past grudges kasi parang mabuti naman ang kanilang pag-uusap,” sabi pa ni Silvestre.

Parehong nakatalaga ang dalawa sa Operation Control Unit ng 3rd Infantry Division (ID) ng Philippine Army.

"We do not tolerate this such actions. Makikipagtulungan (kami) sa PNP sa investigation para mabigyan ng hustisya ang ating tropa na namatay at ma-held accountable kung anuman ang ginawa ng tropa laban sa kanyang kasamang suldalo,” ayon kay Captain Jessie Jun Ebalan, spokesperson ng 3rd ID of the Philippine Army.

Mag-iimbestiga rin ang Philippine Army kaugnay sa lumitaw na inuman sa loob ng kampo na ipinagbabawal.

Bukod sa kasong kriminal, mahaharap din ang suspek sa reklamong administratibo na maaaring maging dahilan para matanggal siya sa serbisyo. – FRJ GMA Integrated News