Nasawi sa tama ng ligaw na bala ang isang kindergarten pupil na limang taong-gulang. Nangyari ang trahediya sa loob ng isang paaralan sa Datu Piang, Maguindanao del Sur nitong Miyerkoles ng umaga.
Sa ulat ng GMA Regional TV News, sinabi ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), na bigla na lang natumba ang bata habang may klase.
Nang tingnan kung ano ang nangyari sa biktima, doon na nakita ang sugat na tinamo niya mula sa bala na hinihinalang nanggaling sa barilan na nangyari malapit sa eskuwelahan.
Kinondena naman ng PRO-BAR ang insidente at naglunsad ng imbestigasyon para matukoy kung sino ang responsable sa pagkamatay ng biktima.
“PRO-BAR strongly condemns any act of violence that endangers innocent civilians, especially children,” anang PRO-BAR.
“We extend our deepest condolences to the bereaved family during this time of profound grief and reaffirm our unwavering commitment to uphold public safety, protect our communities, and pursue justice without fear or favor,” dagdag nito.—FRJ GMA Integrated News

