Patay ang isang 34-anyos na Indian national na pinagbabaril sa Candelaria, Zambales. Ang hinala ng pulisya na motibo sa krimen, ang nasirang pagkakaibigan at may kinalaman sa negosyo.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan ang biktima na nakahandusay ang duguang katawan malapit sa kaniyang motorsiklo sa Barangay Dampay noong February 8, 2026.

Anim na tama ng bala sa ulo at katawan ang tinamo ng biktima, ayon sa mga awtoridad.

Residente ng Barangay Lipay sa Sta. Cruz, Zambales ang biktima.

Kaagad ding kumilos naman ang mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

“Based doon sa motibo, inalam natin ‘yung sinong puwedeng ma-involve, ‘yung puwedeng galit sa kaniya o nakaalitan niya o anong mga reasons kung bakit siya papatayin. So, na-mention po ‘yun sa investigation natin sa mga witnesses,” ayon kay Police Colonel Benjamin Ariola, director ng Zambales Police Provincial Office

Nitong February 10, nadakip ng mga pulis ang isa sa tatlong suspek sa Barangay Palanginan sa Iba, Zambales.

Ayon pa kay Ariola, isang 33-anyos na Indian national, ang suspek sa krimen, na mahaharap sa kaukulang kaso.

“Ang motibo po na nakita natin diyan is ‘yung dati silang magkaibigan, nagkaroon ng alitan. After ng alitan nila, mas lalong lumala, lumala nang lumala hanggang sa nag-aaway na sila sa negosyo,” dagdag ng opisyal.

Patuloy namang tinutugis ang dalawa niyang kasamahan.

Tumanggi ang pamilya ng biktima at naarestong suspek na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.—FRJ GMA Integrated News