Sugatan ang isang rider at kaniyang angkas na mga nakainom umano matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kasalubong na van sa Marcos Highway sa Barangay Santa Cruz, Antipolo City.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing humandusay ang 27-anyos na rider sa Marcos highway pasado 2 a.m. matapos bumangga sa kasalubong na van sa pakurbang bahagi ng kalsada.
“Bumagsak na lang sa harapan namin 'yung tao eh. Tapos tiningnan namin. Akala ko patay na kasi hindi na gumagalaw,” sabi ni Edd Villacencio, isang saksi.
“May kalabog. So alam ko na po na aksidente yun. 'Yung nakamotor is nakahandusay siya diyan. Tapos 'yung kasama niya na du’n sa likod ng kotse. Ang layo ng tinapon ng driver at saka ng angkas,” sabi ng isa pang saksi na si Roma Joy Dragas.
Marahang nilagyan ng neck brace ang rider, at ng splint ang sugatan niyang paa, habang hindi naman makausap ang kaniyang angkas na pawang isinugod sa ospital.
Nagkawasak-wasak ang ilang bahagi ng motorsiklo at natanggal pa ang gulong sa lakas ng pagkakabangga.
Sinabi ng driver ng nabanggang van na galing sila sa Tanay, Rizal at pauwi na sana sa San Jose del Monte, Bulacan nang mangyari ang aksidente.
Wasak ang unahang bahagi at fog light ng van at gumasgas ang motorsiklo mula unahan hanggang sa likod nito. Bakas din ang dugo sa gilid ng van.
Sinabi ng kaanak na nakasakay sa isa pang motorsiklo, at kasamang bumibiyahe ng mga biktima, nakainom umano ang mga kasama niya.
Ayon naman sa barangay official, accident-prone area talaga ang pinangyarihan ng insidente.
“Kurbada siya, tapos mabilis 'yung mga motor na magpatakbo, lalo na mga lasing sila. Nakikipag-ugnayan po ang aming barangay sa imbestigasyong ito,” sabi ni Marivic Lozada, chairman Sitio Lower West Camias ng Barangay Sta. Cruz.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
