Patay ang isang van driver at tatlo niyang pasahero matapos sumalpok ang kanilang sasakyan sa likuran ng nakaparadang 10-wheeler truck sa Basey, Samar.
Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV video ang pagbangga ng van sa nakaparadang 10-wheeler na nasa gilid ng highway.
Nagmula pa ng Borongan, Eastern Samar ang van at bumibiyahe noon papuntang Tacloban, Leyte nang mangyari ang insidente.
Anim na pasahero pa ng van ang nagtamo ng mga sugat.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Sinabi ng pamunuan ng nirentahang van na magpapa-abot sila ng tulong pinansyal sa pamilya ng mga nasawi.
Sasagutin din nila ang pagpapagamot sa mga nasugatan.
Matapos ang insidente, 30 araw na sinuspinde ng LTFRB Region 8 ang biyahe ng lahat ng unit ng shuttle service company na sangkot.
Iniutos din na ipa-drug test ang kanilang mga driver. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
