Nailigtas ang magkapatid na mangingisda mula sa pagkalunod nang mag-live sila sa social media matapos lumubog ang kanilang bangka sa bahagi ng Prieto Diaz, Sorsogon.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa video ni Cherwin Bartolome ang malakas na hangin na sinabayan ng malalaking alon na humahampas sa bangka ng magkapatid.

Inabutan na ng gabi ang magkapatid sa laot.

Ngunit ang magkapatid na mangingisda, nakapag-live sa social media bago mawalan ng signal, kaya sila nasaklolohan ng mga rescuer.

Ayon sa biktima, madaling araw na nang pumalaot sila sa dagat.

Pero, nagdesisyon silang umuwi matapos sumama ang panahon, hanggang sa hampasin sila ng malalaking alon.

Nakaligtas ang magkapatid at dinala sa Barangay Brillante, Prieto Diaz.

Narekober din kinaumagahan ang lumubog nilang bangka. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News