Isang babaeng rider ang nasawi at malubhang nasugatan ang kaniyang angkas matapos na bumangga ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang van-truck sa Barangay Bayanga, Cagayan de Oro City noong Lunes, Marso 23, 2026.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon, na bigla umanong lumihis ng takbo ang motorsiklo patungo sa kabilang linya ng kalsada at direktang nakasalpukan ang nakasalubong na van-truck.

Ayon kay Cagayan de Oro City Poice Office (COCPO) Traffic Unit Investigator, Staff Sergeant Rhodore Zambas Jr., posibleng nakatulog ang rider dahil maluwag naman ang kalsada, at wala namang sasakyan para mag-overtake ng biktima, batay sa pahayag ng driver ng van.

Dinala sa ospital ang dalawang sakay ng motorsiklo pero idineklarang dead on arrival ang rider.

Nasugatan at dinala rin sa ospital ang driver ng van.

Inaasahang na mag-uusap ang mga sangkot sa insidente para sa posibleng aregluhan.

Nagpaalala naman si Zambas sa mga sumasakay sa motorsiklo na magsuot ng helmet at sundin ang mga linya sa daan.—FRJ GMA Integrated News