Inihayag ni Xyriel Manabat na gagawa siya ng aksiyon laban sa isang TNVS driver na nag-post umano ng mga malaswang komento tungkol sa kaniya online. Ang TNVS driver, isinailalim na sa preventive suspension ng pinapasukan niyang ride-hailing app.
Sa isang panayam sa entertainment journalist na si MJ Marfori na pinost sa TikTok noong Miyerkoles, sinabi ni Xyriel na hindi niya alam ang tungkol sa viral na malaswang post tungkol sa kaniya.
“Hindi kasi ako pala-phone,” sabi ng "Secrets of Hotel 88" star, at idinagdag na napagtanto na lamang niyang tila may mali kalaunan nang paulit-ulit siyang sinubukang kontakin ng kapwa PBB housemate na si AZ Martinez.
Viral na pala ang isang Facebook post ng user na si Boss Toyo Mani na naglalaman ng larawan niya kasama si Xyriel, kasama ang mga komentong nagse-sexualize sa aktres. Binura na niya ang kaniyang account ngunit nag-viral na ang mga screenshot ng kaniyang post.
Ayon kay Xyriel, may kaugnayan ang isyu sa kaniyang adbokasiya dahil matagal na siyang nagsasalita tungkol sa pagprotekta sa mga kababaihan mula sa harassment at sexualization.
“Even before naman ako bumalik sa showbiz, diyan din naman isa sa reason kung ba’t ako umingay, kasi I’m really vocal about protecting women, protecting me against any sexual assault or sexualizing women. ‘Yun talaga ‘yung advocacy ko,” sabi niya.
Ipinunto ni Xyriel hindi dapat ituring na hindi nakakasakit o mababaw lamang ang post.
“Now that I’m seeing this, I’m sure na I’ll do something about it. Hindi dapat nagiging entertainment ‘yan in any form. And at the same time, I hope the platform or the app should do something about this because it’s not petty,” giit niya.
Dagdag pa niya, ang mga ganitong karanasan ay sumasalamin sa mas malawak na katotohanan na kinakaharap ng maraming kababaihan.
“It’s not something na any woman or anyone, not just women should experience on a daily basis,” sabi pa ni Xyriel.
“Nagtrabaho ka lang, may nagpa-picture lang sa’yo. You’re just being kind. You’re just being a human. A decent human being—and you’ll get this in return,” sabi pa niya.
Muling binigyang-diin ni Xyriel na walang kinalaman ang isyu sa pananamit, at ipinunto na wasto ang kaniyang pananamit para sa trabaho at iginalang pa niya ang driver.
“Again, it is never about the piece of clothing. Naka-pang-work ako. Maayos ako nakipag-usap. As far as I can remember, ang bait ko pa sa kaniya. Nag-tip pa ako kasi nahihiya ako kapag may pinaghihintay akong tao. I hope your mom, family, sister, wife, daughter, makita nila ‘to, makitang ganyan ka na tao,” ayon sa aktres.
Aksyon agad
Ilang sandali matapos itong maging viral sa X (dating Twitter), tumugon ang ride-hailing na Grab Philippines sa isang netizen, na sinabing "we practice zero tolerance for inappropriate contact and other misconduct."
"Rest assured we have invited the driver involved as part of our full investigation and are committed to taking the necessary actions," dagdag ng Grab.
Sa hiwalay na pahayag na inilathala sa X at ipinadala sa GMA News Online, sinabi ng Grab na naglabas na sila ng pormal na paghingi ng tawad kay Xyriel sa naranas nito na tinawag nilang "unacceptable," at hindi sumasalamin sa kanilang mga pamantayan.
“What was reported is deeply concerning and does not reflect the standards we uphold on the platform,” anang kompanya.
"We are already in direct contact with Ms. Manabat, have offered our full support and ensured her concerns were heard. We are also prepared to cooperate fully with relevant authorities," dagdag ng Grab.
Ayon sa kompanya, isinailalim na sa preventive suspension ang sangkot na driver-partner habang hinihintay ang resulta ng patuloy na imbestigasyon. Binigyang-diin nito na ang naturang pag-uugali ay itinuturing na isang malubhang paglabag at isang “bannable” offense sa ilalim ng Driver Guidelines.
“Upon our initial investigation, the driver-partner involved has been placed under preventive suspension. Grab affirms that such behavior constitutes a grave violation and a bannable offense under our Driver Guidelines,” pahayag ng kompanya.
Bagama't binabanggit na ang lahat ng mga driver-partner ay sumasailalim sa mandatory safe spaces at anti-harassment training sa pamamagitan ng Grab Academy at mga partner organizations, kinilala ng Grab na ang insidente ay nagpapakita ng pangangailangan para sa mas mahigpit pang mga hakbang.
"We are now undertaking a comprehensive review of our driver behavior protocols, including those governing post-trip conduct, and will introduce further safeguards to address any gaps this incident may have exposed,” sabi nila.
Sa muling pagtitibay ng pangako nito sa kaligtasan, binigyang-diin ng Grab na ang ma tumatangkilik sa kanila ay makakaramdam ng seguridad.
Hinikayat din nito ang mga pasahero na agad na iulat ang anumang hindi ligtas na karanasan sa pamamagitan ng 24/7 Safety Center ng app upang makagawa ng naaangkop na aksyon.
Kabilang si Xyriel sa 20 housemates ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 1.0." Kasalukuyan siyang bida sa "The Secrets of Hotel 88" kasama ang kaniyang mga kapwa housemates.
maraming salamat, grab. we’re genuinely and sincerely hoping that this won’t happen to any women again—famous or not. we also hope to receive any possible update regarding this matter, as we would like to know what necessary actions have been taken.
— alex (@statichronicle) April 8, 2026
Jade Veronique Yap/Jamil Santos, FRJ, GMA News

