Isang lalaki na dalawang buwan pa lamang nakalalaya ang nasawi matapos siyang pagbabarilin sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang paglalakad ng isang lalaki na nakasuot ng green na t-shirt at may hawak na plastic bag sa Barangay Severino de Las Alas.

Ilang saglit pa, tumatakbo na ang lalaki sa kabilang direksyon at may dalang baril, bago umangkas sa motorsiklo at tumakas.

Binaril na pala niya ang isa pang lalaki, na nagtamo ng mga tama ng baril sa bandang ulo.

“May 3 ng hapon, sa pagitan ng 5 p.m. at 6 p.m. nakatanggap ako ng tawag, isang concerned citizen na may narinig silang putok na tatlo, at may involved nga raw na may binaril na tao,” sabi ni chairman Julito Abellanosa, Barangay Severino de Las Alas.

"Ito pong rescue hindi na po naisakay ‘yung sinasabing binaril kasi nga po ay wala nang buhay. After nu’n, ‘yung mga tao ko, mga tanod, tulong-tulong na pagpunta roon para i-assist ang naturang pangyayari. Ang gawain naman ng barangay, kurdonan doon, huwag palapitin ang mga tao,” dagdag ni Abellanosa.

Nagsagawa ng backtracking ang mga awtoridad sa mga CCTV footage, at natunton ang motorsiklo na ginamit na getaway vehicle, base sa kanilang imbestigasyon.

“Ang update po natin, na-recover po natin 'yung motor na ginamit nilang getaway vehicle. So ngayon, nag-request na tayo sa LTO para doon sa identification ng motor. Sa isang gasoline station natin na-recover right after ng incident. Kasi nu’ng pagre-review natin ng CCTV, nagbacktracking tayo,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Bonna Obmerga, chief of police ng General Mariano Alvarez, Cavite.

May lead na ang mga awtoridad kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga salarin, at kung saan sila nagpunta.

Patuloy ang manhunt operation, pati ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaril.

Napag-alamang dalawang buwan pa lamang nakalalaya ng biktima matapos ang tatlong taong pagkakakulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Ayon sa anak ng biktima, inilaban nila ito at napawalang-sala ang ama.

"Gusto ko lang po iparating sa gumawa nito sa tatay ko, sumuko na po siya para naman kahit paano gumaan sa pakiramdam. Kasi iba rin talaga ang hirap ko riyan noong nakakulong siya. Ako rin talaga 'yung nagsumikap sa kaniya para makalaya siya," sabi ng anak ng biktima. — Jamil Santos/VBL GMA News