Dalawang lalaki na sakay sa isang motorsiklo ang nasawi matapos silang sumalpok sa kasalubong na van sa Barangay Pitalo sa San Fernando, Cebu.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nag-overtake umano ang motorsiklo ng mga biktima sa sinusundan nilang saakyan.

Napunta ang mga biktima sa kabilang linya ng kalsada at doon na nila nakasalubong at nakasalpukan ang paparating na van.

Sa lakas ng banggan, tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng matinding sugat sa katawan na dahilan ng kanilang pagkasawi.

Ayon pa sa ulat, hinihintay pa ng mga awtoridad ang desisyon ng pamilya ng mga biktima kung magsasampa ng reklamo laban sa driver ng van, na wala pang pahayag.—FRJ GMA News