Arestado ang anim na miyembro ng isang grupong nagsasagawa umano ng rentangay at cake delivery modus na target nakawan ang bahay ng isang sikat na vlogger, matapos silang abangan ng mga awtoridad sa Caloocan City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, makikita sa video footage ang sasakyan ng mga nag-aabang na operatiba ng PNP Highway Patrol Group sa pagdating naman ng sasakyan na kinaroroonan ng mga suspek.
Nang dumating ang target, hinarang na ito ng mga pulis at doon na nagpulasan ang mga suspek.
Nagkaroon ng habulan papuntang eskinita, hanggang sa humantong ito sa barilan. Tinamaan ng bala sa binti ang isang suspek, na dati palang pulis na natanggal sa serbisyo.
Nagtangka umanong bumunot ng baril ang dating pulis kaya pinaputukan.
“Ang target nila ay isang vlogger na sikat. Ang pakay talaga is nakawan at ransakin (ransact) ang bahay nu’ng target nila. Dahil walang tao mismo roon sa bahay, at doon na pumasok ang ating mga kasamahan,” sabi ni Lieutenant Nadame Malang, spokesperson ng HPG - HPG.
Kabilang sa mga nadakip ang sugatang dating pulis, isang traffic enforcer, ang sinasabing lider ng grupo, isang babae at dalawa pang lalaki. Patunay umano ito na organisado ang grupo.
“Ang modus ng mga ito is cake delivery. Libreng cake. ‘Pag pinuntahan nila isang bahay may dalang cake. Once na binuksan ‘yung pinto, puwersahan na nilang papasukin, raransakin na lahat ng puwede nilang makuha na gamit,” sabi ni Brigadier General Rommel Batangan, Director ng PNP-HPG.
“Sila rin ‘yung grupo na sangkot doon sa pagkakanakaw dito sa Cavite ng mga motorcycle na kung saan sinasampa sa van. Ito ‘yung grupo rin na isa sa mga sikat na kumukuha po ng mga rentangay na sasakyan,” sabi ni Malang.
Batay sa HPG, magrerenta ang grupo ng sasakyan, papalitan nila ang plaka at conduction sticker, saka iaabandona nila ang nirentang sasakyan matapos isakatuparan ang krimen.
“May mga nabibili na kasi tayong mga online na ganitong conduction sticker. Nagagamit po kasi talaga ito doon sa mga legitimate na vehicle para pang-replace nila sana. Kaya lang, ginagamit na pinagsamantalahan itong masasamang elemento, gagawa ng bogus na number at ididikit,” sabi ni Batangan.
Nakuha mula sa mga suspek ang mga zip tie at duct tape na posibleng panggapos sa mga biktima, tatlong baril, dalawang sachet ng hinihinalang shabu at isang granada.
Posibleng nag-ooperate din umano ang grupo sa Central Luzon at Calabarzon bukod sa Metro Manila.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga suspek.
Dagdag ng HPG napilay na ang operasyon ng nahuli nilang grupo, ngunit posibleng may natitira pang mga miyembro kaya dapat maging alerto.
“Kunwari ay magde-deliver ng mga cake o kakatok sa inyong bahay. Hangga’t maaari kung wala naman po kayong inorder at wala kayong ini-expect e ‘wag niyo pong biglaang buksan ng ating mga pintuan,” sabi ni Batangan.—Jamil Santos/FRJ GMA News
