Matapang na nagbigay ng pahayag si Bea Borres sa panayam ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes kaugnay sa kaniyang pagbubuntis hanggang sa pagpapalaki sa kaniyang anak. Aniya, matapos ang hiwalayan nila ng dating nobyo, ang ina ng huli ang naging ka-co-parent niya sa pag-aalaga sa bata.

Nang tanungin ni Tito Boy kung present ba ang ama ng kaniyang anak at kung nagko-co-parent ba sila sa bata, sinabi ni Bea na, “I"m co-parenting with his mom."

Dagdag pa niya, talagang sinubukan niyang panatilihing present ang lalaki sa buhay ng kanilang anak pero kulang daw talaga ang effort ng kaniyang ex-bf.

"Tito Boy, I tried. Pinakita ko, nagsama kami, nag-acting kami na para kamig pamilya. Pero bumalik lahat ng sakit," sabi ni Bea.

"When I was pregnant, wala talagang anything tapos ngayon, kahit sabihin ko na 'ayoko, ikaw mag-adjust for me' nag-expect pa rin ako na he would try. Nakalabas na daughter namin, pero wala talaga," patuloy niya.

Ginamit din ni Bea ang pagkakataon upang ibahagi ang natutunan niya tungkol sa mga lalaki.

"One thing I learned about men is if they really wanted to, they would," saad niya. "Kahit anong sabihin kong 'ayoko, 'wag mo kitain anak ko,' pupuntahan niya kasi gusto niya. Dahil anak niya yon. Pero walang ganon."

Inamin din ni Bea na madalas siyang magbunganga sa mga lalaki, at ayaw umano ng mga lalaki iyon.

"Kailangan ko i-point out yung mistakes niya, and hindi ako mabait. Feeling ko, nasasaktan ko rin siya," dagdag niya.

Inanunsyo ni Bea ang kaniyang pagbubuntis noong Agosto 2025 at sinabi niyang hindi siya makikipag-co-parent kaninuman. Noong Disyembre, isinilang niya ang kaniyang anak na babae, na nanatili ng 44 na araw sa neonatal intensive care unit (NICU) bago makalabas.

Sa TikTok noong nakaraang taon, ibinunyag ni Bea na si Meray Yamada ang ama ng kaniyang anak. Isang buwan pa lamang silang magkarelasyon nang mabuntis siya. – FRJ GMA News