Dalawang lalaki ang nasawi habang naghuhukay ng balon para sa poso sa Pamplona, Negros Oriental.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, lumabas sa imbestigasyon na nahirapan umanong huminga ang unang lalaki habang nasa balon na mahigit 25 talampakan ang lalim.
Hanggang sa sinaklolohan siya ng kaniyang kasama ngunit bigo itong makalabas.
Sinabi ng Pamplona Police na posibleng na-suffocate ang dalawa.
Batay naman sa kapitan ng barangay, iba ang kuwento ng iba pa niyang kasamahan na trabahador.
Bumaba umano sa hukay ang ikalawang lalaki para tulungan ang kasama niyang hindi makaahon.
Ngunit naputol ang gamit niyang hagdan at nauntog siya sa nakausling bato bago nalunod sa tubig sa balon.
Patuloy na hinihintay ang resulta ng autopsy sa dalawa. — Jamil Santos/VBL GMA News
