Inaresto nitong Biyernes ng mga pulis ang isang 57-anyos na lolo dahil sa pagkamatay ng kaniyang tatlong-taong-gulang na apo sa Pozorrubio, Pangasinan. Ang kawawang biktima, ipinaalaga ng kaniyang magulang sa suspek dahil kailangan nilang magtrabaho.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente nitong Huwebes sa bahay ng suspek sa Barangay Nantangalan.
Ayon sa mga awtoridad, isinugod sa ospital ang bata pero pumanaw din kalaunan. Nakasaad sa death certificate ng bata na traumatic brain injury ang kaniyang ikinamatay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na hinampas umano ng suspek ng kawayan at iniuntog sa semento ang bata habang nasa pangangalaga nila ng kaniyang asawa.
Kuwento ng ina ng bata, nasa trabaho sila ng kaniyang asawa nang mangyari ang insidente. Aniya, karaniwan nilang iniiwan ang kanilang kaisa-isang anak sa kaniyang kapatid kapag umaalis sila. Ngunit nagbago ang sitwasyon noong araw na iyon.
“Maaga po yung duty ko kaya sabi ko sa biyenan ko iwan ko sa kaniya kasi rest day niya rin po,” sabi ng ginang.
Dagdag pa niya, inakala niya noong una na nahulog o masama lang ang pakiramdam ng kaniyang anak kaya dinala sa ospital. Huli na nang malaman niya ang totoong nangyari.
Ayon sa mga kamag-anak, naglalaba umano ang lola ng bata at hindi nito alam ang nangyayari sa loob ng bahay. Pagbalik umano nito sa bahay, nadatnan niyang pinupunasan ng kaniyang asawa ang dugo sa kanilang sahig bago niya nakita ang bata na sugatan at dinala niya sa ospital.
Nang bumisita ang isang news team sa bahay, nakita pa rin ang mga bahid ng dugo sa loob ng tahanan. Sinabi rin ng mga kapamilya na may mga bakas na pinaniniwalaang palatandaan na nagtangkang gumapang o lumayo ang bata patungo sa ibang silid.
Walang nadinig na ingay ang mga kapitbahay sa nangyaring trahediya dahil may construction work na ginagawa sa kanilang lugar.
Naaresto ng mga pulis ang suspek, na ayon sa ilang kamag-anak ay nakararanas umano ng depresyon.
Humingi naman ng patawad ang suspek nang hingan ng pahayag.
Hindi na muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang inihahanda ang isasampang kaso laban sa suspek.—FRJ GMA News
