Sinagip ang isang pusa na hirap maglakad matapos malapnos ang bahagi ng kaniyang katawan dahil sa ibinuhos sa kaniyang mainit na likido sa Talisay City, Negros Occidental. Ang isang animal rights advocates, hustisya ang panawagan para sa pusa.

Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing umabot umano hanggang sa buto sa hulihang paa ng pusa ang tinamo nitong pinsala.

Nang sagipin ang pusa, halos hindi ito makapaglakad at nagtamo ng third degree burns.

“Third degree ang natamo niya. May medication sa healing. Ang kanyang tama, sa right side ng kaniyang paa,” ayon kay CJ Bertol, na sumagip sa pusa.

Dinala at kasalukuyang ginagamot sa isang rescue center sa Bacolod ang pusa.

Ayon kay Bertol, dapat managot ang sinumang gumawa ng malupit na pagtrato sa pusa. Gayunman, hindi umano magiging madali ang paghanap sa salarin dahil wala umanong nakakita sa insidente.

Sinabi naman ni Dr. Janine Sortu, assistant veterinarian sa Bacolod City Veterinary Office, may kaukulang parusa sa ilalim ng Animal Welfare Act ng bansa ang pananakit at pagmamalupit sa hayop.

“The suspects or those who did this to the cats or the dogs, mayroon siyang imprisonment time at penalties kung ma-charge; if ma-confirm; P10,000 or six months in jail,” saad niya. -- FRJ GMA News