Unti-unti nang natutupad ang pangarap ni Rabiya Mateo na makapag-medical school.
Sa Instagram Stories, ibinahagi ni Jake Cuenca ang balitang natanggap ang Miss Universe Philippines 2020 sa Doctor of Medicine program ng University of Santo Tomas Faculty of Medicine and Surgery.
“Congratulations, Rabiya, for making your dreams come true today and making it to UST FMS!” saad ni Jake sa post.
“She’s going to be a doctor!,” dagdag ng aktor. “I’m so proud of you!”
Kasalukuyang nasa Hong Kong ang dalawa para magbakasyon.
Sa kanyang Instagram, nagbahagi si Rabiya ng mga larawan nila ni Jake sa Hong Kong Disneyland at sinabi, “Few more gala before med school.”
"Thank you for this trip," dagdag ni Rabiya patungkol kay Jake.
Nitong Abril, kinumpirma ni Jake na “exclusively dating” sila ni Rabiya.
Unang umugong ang espekulasyon tungkol sa kanilang relasyon noong Marso nang makita silang magkasama sa isang public outing sa Taguig, na sinundan ng pagdalo nila sa birthday party ni Sienna Stevens.
Sa parehong buwan, ibinahagi ni Rabiya ang kaniyang National Medical Admission Test general performance score na 741, dahilan upang ikumpara siya ng mga netizen kay Linda Walker, isang viral na karakter mula sa Chinese vertical drama.
Nauna na rin niyang ibinahagi sa isang YouTube vlog kasama si DJ Chacha na balak niyang bumalik sa medical school.
Noong 2018, nagtapos siya ng kursong Bachelor’s Degree in Physical Therapy sa Iloilo Doctors’ College. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

