Umalma ang netizens matapos arestuhin ang isang lolo na tumutugtog ng harmonica para may maipambili ng pagkain ng kaniyang apo dahil isang paraan umano ito ng panlilimos na ipinagbabawal sa Cebu City. Nararapat nga kaya ang ginawang pagdakip sa matanda?

Sa nakaraang “Ask Atty. Gaby” segment sa Unang Hirit, ipinaliwanag muna ni Atty. Gaby na umiiral ang City Ordinance No. 1631 sa Cebu City na ipinagbabawal ang panlilimos sa mga pampublikong lugar.

Layunin ng batas na magkaroon ng kaayusan at maiwasan ang pagdami ng mga namamalimos sa lansangan. Batay sa naturang ordinansang, may multang P1,000 at posibleng kulong o community service ang sinomang mahuhuli.

Gayunman, hindi na bago ang ganitong batas dahil ilang dekada na ring umiiral ang Anti-Mendicancy Law o Presidential Decree 1563, na ipinagbabawal ang organized o “habitual” na pamamalimos.

Pero mas nakatuon ang batas na ito sa rehabilitasyon at pagtulong, at hindi agad sa pagbibigay-parusa.

Mayroon na ring Republic Act 11291 o Magna Carta for the Poor, na hindi layon na ikulong ang mga mahihirap, kundi mabigyan sila ng intervention o assistance mula sa gobyerno – lalo na sa mga senior citizen o mga PWD.

“Of course, ayaw natin ang mga sindikato na gumagamit ng mga indigenous people, mga sanggol at mga PWD na nang-aabuso sa generosity at magandang asal ng mga tao para makakubra ng pera. Ang mga sindikatong ito, sila ang dapat lamang na arestuhin at ikulong agad,” sabi ni Atty. Gaby.

“Ayaw din natin sa mga taong malakas naman ang katawan, pero ayaw magtrabaho at magbanat ng buto at mas gusto na lamang na umupo sa isang tabi at humingi ng limos,” pagpapatuloy niya.

Kaya ayon kay Atty. Gaby, nakabatay sa PD 1563 na ang mga puwedeng magtrabaho pero ayaw magtrabaho at manlilimos na lamang ang mga dapat na inaaresto sa panlilimos.

Ngunit sa kaso ni lolo na tumutugtog ng harmonica para may pambili ng pagkain para sa apo, siguradong wala na siyang makukuhang trabaho dahil sa edad niyang 68.

“Hindi porket may umiiral na ordinansa na puwedeng arestuhin si lolo ay dapat arestuhin na agad. In fact, sa ilalim ng Magna Carta sa Republic Act 11291, dapat ay may intervention program o tulong na ibibigay ang LGU, lalo na nga kung senior citizen ang involved,” sabi ni Atty. Gaby.

Pansamantala naman siyang nakalaya “on recognizance,” at hindi na pinagbayad ng piyansa. Sa “on recognizance,” kailangan pa rin niyang magpapakita sa preliminary conference kung saan titingnan kung may paglabag siya o wala sa city ordinance.

Inihayag ni Atty. Gaby tungkol sa naturang insidente: “Ang batas po, hindi dapat ginagamit para lang parusahan ang mahihirap. Ang blind application ng mga batas natin ay hindi hustisya – in the same way, na marami tayong mga pulitiko, mga kawatan, mga magnanakaw, na ginagamit ang batas para makawala at patuloy na makaalpas sa tunay na parusa.”

“Ang tunay na diwa ng batas ay protektahan ang tao lalo na iyong walang ibang malapitan sa oras ng pangangailangan,” dagdag pa ng abogada.

Puna pa ni Atty. Gaby, dapat ding may agarang aksiyon ang mga awtoridad sa mga umaabuso sa kaban ng bayan.

“Ngayon ay kung mabilis tayong maghigpit sa mahihirap na tulad ni lolo, sana ay ganu'n din tayo kabilis maningil ng pananagutan sa mga totoong umaabuso sa bayan at kaban ng bayan natin!” sabi niya. – FRJ GMA News