Patay ang isang barangay tanod na bibili lang ng pagkain matapos siyang pagbabarilin ng salaring nakatakas gamit ang motorsiklo sa Dasmariñas, Cavite. Nasawi rin ang isang tindera matapos madamay sa tama ng bala ng baril.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera ang suspek na nakasakay sa motorsiklo na tila may inaabangan sa bahagi ng Barangay Bergado 1 dakong 8 a.m. nitong Martes.

Ilang saglit pa, makikitang may sinusundan siyang lalaki, at kinalaunan ay ipinarada ang motorsiklo saka bumaba.

Ang sumunod na pangyayari, binaril na niya ang biktimang barangay tanod na nasa tapat ng tindahan, at katabi nitong bumulagta sa semento ang tindera.

Dead on the spot ang tanod na bibili lang sana ng almusal ng mga sandaling iyon, ayon sa kapitan ng barangay.

Nasawi rin ang isang nagtitinda na nadamay lang sa pamamaril.

“Sa bilang namin ay nasa pito ‘yung basyo na nandoon at meron isang slug, ‘yung tingga na nandoon sa bandang taas na medyo malayo. Siguro mga 2 to 3 meters ang layo. Base na rin sa ating mga pagtatanong, sa mga nakakita, meron po isang nadamay dahil nga po ang ating tanod ay bibili ng ulam,” sabi ni Kapitan Alexander Ablang ng Brgy. Bergado 1.

“Yung nadamay ay tindera ng ulam, ng almusal. At noong pinagbabaril 'yung tanod, siguro nadaplisan 'yung victim dahil ang sabi nga, sunod-sunod daw ang putok at tumama doon sa tindera,” dagdag ni Ablang.

Nasa pulisya na ang mga kopya ng CCTV, habang patuloy ang kanilang backtracking para sa pagkakakilala ng gunman at motibo niya sa krimen.

Nahagip din sa camera ang plate number ng motorsiklo na ginamit ng salarin.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang Dasmariñas Cavite Police habang patuloy ang imbestigasyon.

Sinabi ng asawa ng biktima na wala silang alam na banta o kaaway ng barangay tanod.

“Kinausap ko rin ang kaniyang pamilya, lalong-lalong ang kaniyang asawa. Wala naman pong naikukuwento na mayroong nakaaway. Wala rin siyang pagbabanta na natatanggap,” sabi ni Ablang. – Jamil Santos/FRJ GMA News