Mahigit tatlong dekada nang kasal ang veteran actress na si Tessie Tomas sa Briton na si Roger Pullin, kaya naman tinanong siya kung ano ang maibibigay niyang payo sa aktres na si Vina Morales na hindi pa rin natatagpuan ang lalaking makakasama niya sa habambuhay.
Kapuwa guest sina Tessie at Vina sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes. Magkasama ang dalawa sa Kapuso hit series na “Born to Shine.”
“Sa gandang 'yan, hindi ba makakahanap? Lahat tayo makakahanap ng katapat,” sabi ni Tessie kay Vina. “All you need is one man in life. God created us to have someone special, and you only need one person and he will truly come into your life.”
Ayon pa kay Tessie, dapat ipagdasal ni Vina at i-imagine ang lalaking nais niyang pakasal at mangyayari umano ito.
“Pray and look for him and imagine who is the best man that you want to marry, and it will happen. Sa tingin ko lang, akin lang 'yun, mas maganda talaga kung mas mahal ka ng lalaki kaysa mahal mo siya,” paalala ni Tessie.
Ibinahagi rin ni Tessie ang sikreto sa matagal na nilang pagsasama ni Roger Pullin. Isa na rito ang pagpapakita niya ng pagmamahal sa kaniyang asawa.
“You have to… lalo na sa lalaki, sometimes they're not demonstrative. Like me, if I feel like hugging him even in the middle of the street, if I feel like kissing him on the lips because I feel like it, I will do it,” kuwento niya.
Payo pa ni Tessie, dapat tiyakin ng babae na mahal niya ang lalaking pakakasalan dahil darating ang pagkakataon na mayroon siyang isasakripisyo.
“And this is the supreme sacrifice, to be living in the Isle of Man and giving up everything: career, family, and friends. But I'm able to do it because I love him to bits,” sabi ni Tessie tungkol sa nangyari sa kaniyang buhay-pag-ibig. – FRJ GMA News
