Isang senior citizen na nakapila para makabili ng bigas na P20 per kilo ang nasawi matapos siyang masalpok at makaladkad ng pick-up truck sa Visayas Avenue, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente bago mag-4 a.m, habang naghihintay ang biktima sa labas ng tanggapan ng Bureau of Animal Industry.
Nadala pa sa ospital ang 73-anyos na biktima ngunit nasawi rin kalaunan.
Sinabi ng isang saksi na nakaupo sa bangketa ang biktima nang masalpok siya ng pickup.
Nakaladkad pa siya ng ilang metro.
“Mabilis ‘yung sasakyan. Tapos sumadsad siya rito. Nahagip ‘yung tao. Tapos paghagip niya, tumalsik ‘yung tao, gumaniyan (dumiretso), doon niya talaga ibinangga sa poste na iyon. Dalawa ang paa niya nadurog tapos ‘yung kamay durog din. Maraming sugat sa noo,” sabi ni Marietta Sumagang, saksi.
Bukod sa biktima, nahagip din ng pickup ang 51-anyos na si Richard Nadura, na nagtitinda sa bangketa. Nagtamo siya ng sugat sa kanang siko.
“Paglingon ko ulit, nasa akin na kaya ‘yan may tama. Dito (balikat) tinamaan ako. Kung hindi ko naitulak ‘yung sidecar ko, ‘yung paninda ko, baka pati ako nasapul. Nagpapasalamat din ako dahil ikalawang buhay ko na ‘to,” sabi ni Nadura.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na unang nasapul ng pick-up ang senior citizen, bago ito sumampa sa bangketa, naghagip ang nagtitinda at bumangga pa ang traffic signage.
Wasak ang harapang kanang bahagi ng sasakyan sa lakas ng pagbangga.
Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 6 ang 47-anyos na driver ng pick-up na pauwi na umano galing sa trabaho ng mga oras na iyon.
Tumanggi siya magbigay ng kaniyang panig.
Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa mga kamag-anak ng nasawi na senior citizen na residente ng Barangay Batasan Hills, batay sa nakuhang ID sa kaniya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
