Pinaghahanap ngayon ang isang mag-ina matapos silang makunan sa CCTV na iniwan ang isang sanggol sa isang parke sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang footage ng Barangay Inarawan kung saan isang babae ang namataang may kasamang bata.
Maya-maya pa, kumuha ng sako ang bata at inilapag sa tabi ng isang puno.
Tila nilinis muna ng mag-ina ang paligid bago inilapag ang sanggol sa sako. Kalaunan, umalis na sa parke ang dalawa.
Sinabi ng isang barangay kagawad na isang street sweeper ang nakakita sa sanggol.
Kinumpirma ng barangay na ina at kapatid ng sanggol ang dalawang nakita sa CCTV.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang mag-ina.—Jamil Santos/FRJ GMA News
