Iniutos ng National Prosecution Service sa Maynila ang pagpapalaya sa 69 na Chinese nationals at isang Pilipino na naaresto sa isinagawang pagsalakay sa isang planta ng bakal sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing iniutos na pakawalan ang mga inaresto dahil nabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) na magpakita ng sapat na ebidensya upang patunayan ang mga alegasyon ng pagmamay-ari, pamamahagi, o paggawa ng mga radioactive material.
Sa resolusyon, inihayag din ng piskalya na hindi rin napatunayan sa reklamo na may nangyaring paglabag sa labor, immigration, at consumer protections laws.
Gayunpaman, may 11 tao na hindi kabilang sa mga naaresto sa raid ang sasailalim sa paunang imbestigasyon upang matukoy kung may mga posibleng paglabag silang nagawa sa batas.
Una rito, inaresto ang mga suspek sa bisa ng search warrant noong Mayo 15, 2026. Sa naturang operasyon, natuklasan din ang mga umano’y paglabag kaugnay ng mga mapanganib na materyales, mga pamantayan sa paggawa, mga regulasyon sa imigrasyon, at mga batas para sa proteksiyon ng mamimili.
Sinabi ng NBI na ilan sa mga dayuhang naaresto ay wala umanong lehitimong Alien Employment Permit, habang ang iba naman ay walang wastong pasaporte o mga dokumento mula sa Immigration bureau.
Sa isang pahayag, itinanggi ng legal counsel ng kumpanya ang mga pahayag ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at ng NBI na walang mga dokumento ang mga Chinese nationals.
Ayon sa kompanya, sumusunod sa lahat ng kinakailangang regulasyon ang mga empleyadong Chinese, na tinukoy na mga “Chinese technical personnel.” – FRJ GMA News
