Patay ang isang driver ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) matapos siyang barilin ng kaniyang pasahero sa Barangay 176-A sa Caloocan City. Ang suspek, tinulungan ng isang pulis na makapag-book ng masasakyan dahil hindi raw alam pauwi sa Bulacan.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, makikita sa kuha sa dashcam ng sasakyan na nag-uusap muna ang biktimang driver at suspek na pasahero na nakaupo sa likod.

Ngunit ilang saglit lang, mapapansin na tila nagtatalo na ang dalawa, hanggang sa bumunot ng baril ang pasahero at binaril ang driver.

Tumakas ang suspek pero nadakip din kinalaunan sa San Jose Del Monte sa Bulacan sa hot pursuit operation ng mga awtoridad.

Ayon sa pulisya, galing sa Barangay 188 ang suspek na nawawala umano at hindi alam ang daan pauwi sa kanila. Isang pulis umano ang tumulong dito para mag-book ng TNVS para makauwi sa Bulacan.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang inaalam pa ang motibo sa krimen.

Wala ring pahayag ang suspek, ganoon din ang kaanak ng biktima. – FRJ GMA News