Niyanig ng malakas na lindol na may sukat na magnitude 7.8 ang Mindanao nitong Lunes ng umaga. Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), walo na ang iniulat na nasawi.
Batay sa ulat ng Local Disaster Risk Reduction and Management Councils (LDRRMCs), sinabi ni OCD deputy spokesperson Diego Mariano na patuloy na bina-validate o kinukumpirma ang mga nasawi:
- Davao Occidental - 3
- General Santos City - 3
- South Cotabato - 2
Idinagdag ni Mariano na patuloy na kinakalap ang pinsala ng naturang lindol na nangyari sa unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan.
Samantala, iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nakapagtala sila ng 138 aftershocks hanggang dakong 11 a.m. kanina.
Umaabot umano ang lakas ng mga aftershocks ng mula magnitude 1.3 hanggang 6.7.
Naglabas ang PHIVOLCS ng isang naka-plot na mapa ng mga lindol na may kaugnayan sa magnitude 7.8 na lindol sa karagatan malapit sa Sarangani, gamit ang datos mula sa General Santos Seismic Station (GSP) at sa Don Marcelino Seismic Station sa Davao Occidental.—Joviland Rita/FRJ GMA News
