Sugatan ang driver ng isang trailer truck matapos umano siyang barilin ng driver ng isang puting pickup truck habang sabay silang bumibiyahe sa Guagua, Pampanga.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay San Antonio nitong madaling araw ng Biyernes.

Sa CCTV footage na nakuha ng pulisya, makikita na magkasabay na bumibiyahe ang puting pickup truck at ang trailer truck na papunta sa direksyon ng Bataan bago nangyari ang pamamaril.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nalaman na habang nasa biyahe, nagkaroon umano ng iringan ang mga driver ng truck at pickup na nauwi sa pamamaril.

Habang bumibiyahe, binaril ng driver ng pickup ang trailer truck at nasugatan ang driver nito.

“Noong nag-conduct kami ng investigation, nalaman po natin na yung truck ay may na-encounter na white pickup na sasakyan kung saan nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan sa daan. Noong dumating po dito sa Barangay San Antonio, paglagpas ng traffic light ng Guagua, bigla na lang po siyang [driver ng truck] binaril noong nasabing driver ng white pickup. Pareho po silang heading to Bataan or Lubao, moving po sila noong binaril yung truck,” ayon kay Police Lt. Col. Jaime Edejer, hepe ng Guagua Police Station.

Sugatan ang 28-anyos na driver ng truck na residente ng General Tino, Nueva Ecija. Naaresto naman sa hot pursuit operation ng mga pulis ang driver ng pickup na isang opisyal sa isang barangay sa Lubao.

Nakuha sa suspek ang isang .9mm na baril at mga bala, at ang gamit niyang puting pickup truck.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang suspek at ang biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News