Nagluluksa ngayon si Herlene Budol sa pagpanaw ng kaniyang lolo -- na tinatawag niyang Tatay Oreng-- na kasama ng kaniyang lola na nagpalaki sa kaniya.

Sa Instagram, ibinahagi ng Kapuso actress ang ilang larawan nila ng kaniyang lolo, at ang kaniyang lola na si Bireng, na pumanaw naman noong 2022.

"Magkasama na kayo tatay," saad niya sa caption.

Sa comment section, maraming Kapuso stars, kabilang sina Thea Tolentino at Sugar Mercado, ang nagpaabot ng kanilang pakikiramay.

Sa kaniyang Instagram Stories, nagbahagi rin si Herlene ng mga throwback photo na kasama ang kaniyang lolo, kabilang ang isang kuha noong panahon ng kaniyang pageant journey.

Dati nang ikinukuwento ni Herlene na lumaki siya sa kaniyang lolo at lola dahil sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang noong bata pa lang siya.

Napapanood ngayon si Herlene bilang isa sa mga host ng GMA variety show na "TiktoClock."

Dating bumida si Herlene sa GMA Afternoon Prime series na "Binibining Marikit," at “Magandang Dilag.” —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News