Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na may natatanggap na noon na pagbabanta sa kaniyang buhay ang vlogger na si Alicia Lipata o “Mima Alicia,” na pinagbabaril at napatay ng riding in tandem sa Caloocan City noong Biyernes.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing kilala si Lipata bilang vlogger na sumusuporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ngunit bukod sa kaniyang pagiging vlogger na posibleng motibo sa nangyaring krimen, tinitingnan din ng pulisya ang personal na buhay ni Lipata dahil na rin sa hindi naging magandang pagwawakas sa samahan nila ng dati niyang nakarelasyon.
Ayon kay Police Colonel Allen Rae Co, OIC ng PNP-Public Information Office, nauwi pa sa demandahan ang break-up ni Lipata sa dati nitong naging karelasyon.
Bagaman natuklasan na may banta na noon pa man si Lipata, hindi pa batid ngayon ng pulisya kung saan galing ang banta.
Umaasa naman ang mga kapuwa BBM supporter at followers ni Lipata na mabigyan sana siya ng hustisya at madakip kung mayroon mang nag-utos na patayin siya. – FRJ GMA News
