Patuloy ang paghahanap sa isang Filipina-American nurse na halos dalawang linggo nang nawawala, ayon sa Oceanside Police Department sa Oceanside, California.

Sa press conference na isinagawa kamakailan ng Oceanside Police Department, kinilala ang nawawalang nurse na si Angelica Brophy, 44-anyos, na natatrabaho bilang emergency room nurse sa Kaiser Permanente sa San Marcos, California.

Iniulat na nawawala siya simula pa noong Hulyo 6 dakong 9:30 pm. Huli siyang nakita sa Harrah's Resort sa Valley Center noong araw ding iyon dakong 3:30 pm.

“Subsequently, on July 9th, Ms. Brophy’s vehicle was found in the parking lot of Palomar Mountain State Park. However, Ms. Brophy was not with her vehicle,” ayon kay Oceanside Police Department Chief of Police Taurino Valdovinos.

Iniulat ng pulisya na nagsagawa sila ng search and rescue operations para kay Brophy sa iba't ibang oras mula Hulyo 9 hanggang Hulyo 11, ngunit hindi siya natagpuan.

Noong Hulyo 12 at Hulyo 13, nagsagawa rin ng paghahanap ang mga awtoridad sa isang kalapit na lawa, ngunit wala silang nakita. Ayon sa pulisya, ipinagpatuloy ang operasyon noong sumunod na araw, Hulyo 14.

“At this time, we have no evidence of foul play. However, we are treating this case as an open investigation until Ms. Brophy is located,” dagdag ni Valdovinos.

Batay sa mga ulat ng foreign media, nagsagawa ng isang vigil of hope o pagtitipon ng panalangin at pag-asa ang pamilya at mga kaibigan ni Brophy noong Hulyo 15 habang nagpapatuloy ang paghahanap sa kaniya.

“Angelica, if there is anyway you can see this please know we love you beyond words,” saad ng kapatid na si Martin Fabregas sa New York Post. “We are searching for you every single day. We are not giving up and we will never stop looking until you are home where you belong.”

Si Brophy ay may asawa at may dalawang batang anak. — Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News