Nasawi ang isang 56-anyos na ginang na nakaangkas sa motorsiklo at mister niya ang rider, matapos silang mabangga at magulungan ng isang truck sa Davao City.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Ilang nitong Huwebes.
Sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng motorsiklo at wing van truck ang parehong direksyon sa Maharlika Highway.
Nang palapit na sa lugar na may pagbagal sa daloy ng trapiko, binagalan na ng motorsiklo ang arangkada. Pero hindi umano ito napansin ng driver na truck na nasa likod ng mga biktima at nabangga nito ang motorsiklo.
Nalaglag mula sa motorsiklo ang nakaangkas na ginang at nagulungan ng truck, na dahilan ng agad niyang pagkakasawi.
Ligtas naman ang rider na mister, habang inaresto ng Bunawan Police ang driver ng truck na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide. – FRJ GMA News
