Inilahad ni Jeric Gonzales na wala siyang ibang hangad kundi ang ikasasaya ng dati niyang kasintahan na si Rabiya Mateo, na karelasyon ngayon ni Jake Cuenca. May paglilinaw din ang aktor tungkol sa producer na iniuugnay sa kaniya.

Sa kaniyang guesting sa "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, kasama ang kapwa "Protege" Season 2 winner na si Thea Tolentino, ibinahagi ni Jeric ang kaniyang reaksyon nang malaman niyang may bago nang lovelife si Rabiya.

"At first, honestly, I don't know what to feel kasi it’s awkward na your ex is nagkaroon na ng bago. Ganu’n talaga siguro ‘yung feeling,” sabi ng aktor.

"Pero I realized na I should be happy for her. I mean, we ended good naman. We're friends, I mean, not friends-friends, pero we’re good friends na we can reach out to each other everytime na kailangan namin," dagdag niya.

Sa pagsalang niya sa Fast Talk segment, sumagot si Jeric ng “No” nang tanungin kung may hugot pa rin siya sa kaniyang ex.

Sa parehong panayam, nagsalita ang Sparkle actor tungkol sa mga usapin na nag-uugnay sa kaniya sa isang babaeng producer na hindi niya pinangalanan.

"Tito Boy, this is the first time I'm speaking about this. But it's not true. Our producer is a family-oriented and very private person. She's my producer, so our relationship is purely professional," sabi niya, na idinagdag na nagmula lamang ang mga espekulasyon mula sa isang viral video na hindi naunawaan ng iba.

"Someone happened to record us, and it was misinterpreted. In the video, I was singing and she appeared to be hugging me. She was simply happy and enjoying the moment," sabi niya.

Ayon kay Jeric, kasalukuyan siyang single.

Kinumpirma nina Jeric at Rabiya ang kanilang relasyon noong Marso 2022, at nagkaroon sila ng on-and-off na relasyon hanggang sa ihayag ni Rabiya noong Setyembre 2025 na single na uli siya.

Samantala, kinumpirma naman ni Jake ang relasyon nila ni Rabiya sa isang panayam sa "Fast Talk" noong nakaraang Mayo. – Jamil Santos/FRJ GMA News