Inilabas na ng Netflix ang pinakabagong kampanya nito na si Kris Aquino ang magiging Chief head ng C.H.I.K.A. o Insights and Content Analysis.

Sa isang video na inilabas nitong Biyernes, umupo ang Queen of All Media sa editing room para sa unang araw niya sa trabaho,

Nagbigay siya ng kaniyang tapat na mga komento sa mga lokal na palabas ngayong buwan, kabilang na ang "The Master Cutter" ng GMA.

"Alam mo ‘yung wardrobe nila, in my opinion, sana mas may style," sabi ni Kris sa kaniyang colleague at editor na si Earljohn.

"Pwedeng kayang gawing mas stylish?," saad ni Kris.

Pumayag si Earljohn sa kahilingan ni Kris at in-edit ang eksena para ipakita si Dingdong Dantes na nakasuot ng Hawaiian shirt, na ikinatuwa ni Kris.

Agad na nakakuha ang video sa Facebook ng libuo-libong engagements.

Ayon sa Netflix, si Kris ang magiging pangunahing tampok sa isang three-episode campaign. Ipalalabas ang susunod na episode sa Agosto 14, at ang huli sa Agosto 20.

Nagsisilbi itong comeback ni Kris matapos ang ilang taon na pagpapagamot at pagpapagaling sa kaniyang mga karamdaman, o siyam na autoimmune diseases.

Nitong taon, ibinahagi niya ang kaniyang layunin na maglabas ng isang weekly video podcast, kung saan plano niyang kapanayamin ang ilang personalidad.

Bago ang drop, naglabas ng teaser ang Netflix tungkol sa kanilang paghiring sa opisyal na C.H.I.K.A.

Biyernes ng umaga nang mag-post ito ng isang video sa Instagram Stories, kung saan makikita si Kris na nakasuot ng kaniyang pink na pajama na nag-i-scroll sa kaniyang telepono at nakikita ang job posting.

"With my 40 years experience in commercials, TV, the movies, and let's be honest, I was the very first to do online vlogging, this job is meant for me," sabi niya.

"Netflix, game na," ani Kris.

-- Jamil Santos/FRJ GMA News