Patay sa pamamaril ang isang 42-anyos na Indian national habang sakay ng kaniyang motorsiklo at pauwi na sa inuupahan niyang bahay sa Bacolod City.
Sa ulat ni Adrian Prietos sa GMA Regional TV Balitang Ratsada nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen nitong Martes ng gabi, Agosto 4, 2026 sa Barangay Villamonte.
Ayon sa ilang residente, nakarinig na lang sila ng ilang putok ng baril at nakitang nakatumba na ang biktima sa kalsada.
Sinabi ng isang residente na madilim sa lugar kung saan pinagbabaril ang biktima.
Ilang residente rin ang nagsabi na sakay ng motorsiklo ang mga suspek at may suot na helmet.
Wala rin umano silang alam na posibleng kaaway ng biktima, at may isang babae na hinimatay sa lugar kamakailan ang natulungan pa ng Indian national.
Batay naman sa imbestigasyon ng pulisya, limang buwan nang naninirahan sa Bacolod City ang biktima.
Inaalam ng mga awtoridad kung may koneksyon sa krimen ang negosyong pagpapautang ng biktima.
“Iyan pa ang tinitingnan natin na anggulo kung ano ang involvement, bakit binaril siya, or siguro sa mga business. I-determine pa natin,” sabi ni Deputy Chief, Police Lt. Raphael Palacios, ng Bacolod City Police Station 4.
Inihayag ng bayaw ng biktima na inaasikaso nila na maiuwi sa India ang mga labi nito.—FRJ GMA News
